Sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita na bilang pinuno ng Lakas ay gumagawa ang Pangulo ng mga hakbang para mapanatili ang pagkakaisa at kasunduan sa loob ng partido.
Sina de Venecia at Pichay ay kapwa miyembro ng Lakas at hindi anya dapat na makapaghati sa partido ang labanan ng dalawa.
Napapabalitang nag-aambisyong maging Speaker si Pichay, pero kung matutuloy ang engkuwentro nila ay mas malamang umano na matalo si Pichay at puwesto ng minority leader ang mapupunta sa kanya.
Base sa House rules, ang sinumang natalo sa laban ng speakership na nakakuha ng ikalawang pinakamataas na boto ang mauupong minority leader.
Imposible anyang matalo ni Pichay si de Venecia dahil siguradong ito pa rin ang susuportahan ng mas nakararaming mambabatas. (Lilia Tolentino)