Ibinulgar kahapon ng isang intelligence officer mula sa National Anti-Terrorism Task Force na humiling na huwag magpabanggit ng pangalan na naging mapayapa ang selebrasyon ng Undas dahil wala naman silang intelligence report na natanggap na magsasagawa ng pagsalakay sa araw na ito ang mga terorista.
Ang pinangangambahan umano nila ngayon ay ang ulat na tunay na target ng terror attack ang SEA Games kung saan dadagsa ang mga dayuhang manlalaro at manonood.
Sinabi ng source na layunin ng Jemaah Islamiyah na gumawa ng senaryo na may "international impact" tulad ng nangyaring pambobomba sa Bali, Indonesia.
Sa kabila nito, nahihirapan naman ang mga intel operatives na tukuyin kung saang lugar sa bansa isasagawa ang pagsalakay dahil kalat ang venue ng SEAG sa ibat ibang sport events nito.
Kabilang sa mga lugar na tinututukan ay ang Maynila kung saan karamihan ng events ay gaganapin sa Rizal Sports Complex, Cebu at Subic.
Malaking dagok umano sa kanilang kampanya laban sa terorismo ang pagkakalaya ni Dawud Santos, lider ng grupong Rajah Sulayman Group dahil sa pagpayag ng korte na mapiyansahan ito.
Bukod dito, patuloy pa rin ang banta sa Metro Manila ng ulat na ilang miyembro ng JI ang nasa paligid lang. (Danilo Garcia)