Ayon kay Defensor, bagaman hindi kinikilala ng Malakanyang ang Peoples Court bilang isang legal na lupon para maglitis ng mga kaso, minabuti niyang boluntaryong dumalo sa mga paglilitis nito para magharap ng mga ebidensiyang magpapatunay na walang sala ang Presidente.
Ang mga kasong lilitisin ng Peoples Court ay pandaraya sa halalan, graft and corruption at paglabag sa karapatang pang-tao.
Itinakda ng Peoples Court sa Nobyembre 8,9,15 at 16 ang mga pagdinig sa kaso at inimbita ang Presidente na magpadala ng kinatawan kung hindi ito dadalo sa hearing.
Si dating Bise Presidente Teofisto Guingona ang siyang mamumuno sa pagdinig sa mga kaso.
Kinuwestiyon ni Defensor kung bakit si Guingona ang mangangasiwa sa paglilitis gayong dati itong kaalyado ng Pangulo at pagkaraan ng halalan ay tumanggap pa ng posisyon sa Pangulo bilang Embahador ng bansa sa China.
Pinuna rin ni Defensor ang pagbibitiw ni Guingona sa puwesto matapos magkaroon ng krisis pampulitika ang administrasyon, gayundin ang pagdalo ng mga miyembro ng Hyatt 10 sa hearing para tumestigo sa Peoples Court.
Sinabi ni Defensor na boluntaryo siyang kakatawan sa Pangulo sa pagdinig ng Peoples Court dahil siya ang campaign spokesperson ng Presidente noong halalan ng Mayo 11, 2004. (Lilia Tolentino)