Ayon sa isang impormante, si House Speaker Jose de Venecia ang umayos ng pag-uusap ng dalawang lider na nangyari nitong nakaraang Lunes sa isang lugar sa Makati City.
Nagkalamat umano ang relasyon ng dalawa matapos umugong ang report na may ikinakasa umanong kudeta si Ramos laban kay Arroyo. Ang ulat na ito ay mula umano sa sinasabing classified files na nakuha ni dating PNP Sr. Supt. Michael Ray Aquino at ex-FBI analyst Leandro Aragoncillo.
Base pa sa report, simula pa lamang nitong Pebrero 2005 ay balak na umano ni Ramos na patalsikin si Arroyo sa puwesto. Hiningi umano ni Ramos ang tulong nina dating Defense Secretary Fortunato Abat at dating National Security Adviser Jose Almonte kung saan binigyan nito si Almonte ng hanggang Hunyo ng taong ito para isakatuparan ang planong kudeta.
Dumalo pa raw si Ramos sa mga pagpupulong ng Federation of Retired Commissioned and Enlisted Soldiers na binubuo nina Almonte, Abat at ex-Budget Sec. Salvador Enriquez.
Matatandaan na nanawagan si Ramos na paikliin ni Pangulong Arroyo sa anim na taon ang kanyang termino para bigyang daan ang pagbabago sa porma ng gobyerno. Ang pahayag na ito ay senyales umano na nagsisimula nang dumistansiya si Ramos kay Arroyo.
Sinabi naman ni de Venecia na bagaman nananatiling mayroon ilang isyung hindi makatugma ang posisyon ng dalawa, hindi anya ito nakakaapekto sa kanilang alyansa. (Lilia Tolentino)