Sa kauna-unahang rescue operation na isinagawa ng task force mula Huwebes ng gabi hanggang Biyernes ng madaling-araw, tinatayang 280 palaboy ang nasagip sa kalsada.
Sa inisyung Executive Order 032-05, inatasan ni Echiverri ang task force na gumawa ng mga plano, programa, polisiya at panuntunan para tuluy-tuloy, malalim at sama-samang gawain para sa mga palaboy sa kalye.
Sinabi nito na ang dumaraming bilang ng mga palaboy, pulubi, namamalimos at batang kalye sa ilalim ng impluwensiya ng droga at bawal na gamot gayundin ang mga miyembro ng katutubo na ginawa nang kanilang tahanan at pagkakakitaan ang kalye, palengke, gilid ng department stores at iba pang pampublikong lugar ay kinakailangang alamin at solusyunan.
Idinagdag pa nito na ang pagdami ng kanilang bilang sa kalye at pampublikong lugar ay karaniwang nagdudulot ng krimen, problema sa trapiko at naghaharap sa mga palaboy sa masamang kalusugan at patuloy na pagbaba ng kanilang moralidad.
Pangungunahan ni Echiverri ang task force bilang chairman nito, habang si City Administrator Romeo Alcantara ang vice-chairman at si Secretary to the Mayor Russel Ramirez ang over-all coordinator.