Ayon kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel, Jr., pinagpapaliwanag ng Senate committee on agriculture ang manager ng Westin kung bakit hinadlangan ng kanilang security personnel ang mga tauhan ng Senado na makapasok ng function room para ihain kay Bolante ang subpoena noong Oktubre 21 habang abala ito sa pagtitipon ng Rotary International.
Mahigit isang oras na hinarang ng hotel security ang committee staff ng Senado kaya nakatakas si Bolante at abogado lamang nito ang tumanggap ng subpoena.
Noong Miyerkules ay umalis patungong Amerika si Bolante kasama si dating Agriculture Secretary Cito Lorenzo.
Ang dalawa ay sabit sa P728 milyong fertilizer fund scam na sinasabing ipinamahagi ni Pangulong Arroyo sa mga kongresista, gobernador at mayor bilang suhol umano sa kanyang pagtakbo sa presidential elections noong 2004. (Rudy Andal)