AFP ‘di makikialam kay Sgt. Alcantara

Hindi makikialam ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa hakbang ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na sampahan ng kaukulang kaso si Marines Sgt. Ferdinand Alcantara na kinuyog ng mga ralista dahil sa umano’y pang-eespiya sa kanilang mga pagkilos.

Ito ang inihayag kahapon ni AFP Chief of Staff Gen. Generoso Senga kung saan sinabi nito na walang masama sa gagawin ng PNP at ito’y maliwanag na pagsunod lamang sa isinasaad ng batas.

Nilinaw ni Senga na walang masama sa naturang aksiyon at hindi ito nangangahulugan ng pagkondena sa kanilang kasama sa hukbo. Sinabi ni Senga na kung tutuusin ay magandang pagkakataon ang pagsasampa ng kaso kay Alcantara dahil mabibigyan sila ng pagkakataon na malaman ang katotohanan sa likod ng pagkuyog sa kanya ng mga demonstrador nang sa gayon ay malinis ang kanyang pangalan at mapatunayang wala siyang kasalanan. Si Alcantara ang sundalong ginulpi ng mga ralista noong kasagsagan ng kilos-protesta sa Quezon City matapos mamataang may dala itong baril. (Angie dela Cruz)

Show comments