Ermita, 3 PNP officials kinasuhan

Sinampahan ng kasong katiwalian sa Office of the Ombudsman ni dating Vice Pres. Teofisto Guingona sina Executive Secretary Eduardo Ermita, PNP chief Arturo Lomibao, NCRPO chief Vidal Querol at Manila Police District chief Pedro Bulaong kaugnay ng marahas na dispersal noong Oktubre 14 sa Recto, Maynila.

Kinasuhan din ng paglabag sa Public Assembly Act of 1985 o Batas Pambansa 880 at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standard of Public Officer and Employees ang apat. Kasama ni Guingona na nag-file ng kaso sina party-list Reps. Rizza Hontiveros-Baraquel, Jimmy Regalario at Satur Ocampo.

Nakasaad sa reklamo na inutusan umano ni Ermita ang tatlong police official na ipatupad ang Calibrated Preemptive Response na nagresulta sa pagbomba ng water cannon sa mga demonstrador. Anila, ang pagtratong ito ng mga opisyal ng pamahalaan ay isang makahayop na paraan na ang layunin ay pigilin ang karapatan ng mga maliliit na mamamayan na kondenahin ang mga katiwalian sa gobyerno. Iginiit ni Guingona na matibay ang kanilang ebidensiya na magdidiin sa mga opisyal dahil hiniling na nila sa tatlong malalaking TV stations na pahiramin sila ng footage ng nasabing insidente. (Doris Franche)

Show comments