Sa kanyang liham kay Msgr. Ernesto Cruz, kura paroko ng San Miguel Church, binigyang-diin ni PSG Chief B/Gen. Delfin Bangit na mahigpit na ipinatutupad ng PSG ang ban sa political rallies, pagladlad ng banners, posters at iba pang paraphernalia sa Malacañang complex.
Idinahilan ni Bangit ang misa noong nakalipas na Lunes na dinaluhan ng mga lider ng oposisyon sa nasabing simbahan na naging daan sa pagpapahayag ng mga ito ng kanilang pampulitikang pananaw.
"It is with great disappointment that the supposed religious activity turned out to be a display of political sentiment," ani Bangit.
Malinaw anya na pinahintulutan ni Cruz na maganap ito at pinayagan pa ang media na i-cover ang homily ni Fr. Larry Faraon, officiating priest, na may kulay pulitika.
Sa kanya namang liham kay Bangit, sinabi ni Cruz na wala siyang nakitang masama sa naganap na misa noong Lunes dahil may karapatan naman ang grupo ng oposisyon tulad din ng ibang pangkat na gamitin ang simbahan upang makinig ng misa lalunat iginagalang naman ang patakaran ng simbahan.
Sa isang panayam kahapon matapos ang misa para sa oposisyon sa San Miguel Church, pumalag si Fr. Cruz sa tila pakikialam ng Palasyo sa Simbahan.
Aniya, malinaw na pagsupil sa kalayaan ng pananampalataya ang ginagawang panghihimasok ng Palasyo sa kanyang parokya. (Lilia Tolentino)