Ito ang nakikitang senaryo ni Iloilo Rep. Rolex Suplico sa isinusulong na snap elections bilang solusyon sa kasalukuyang gulo sa pulitika ng bansa.
Aniya, puwede namang kumandidato si PGMA pati ang dating mga pangulo kung matuloy ang snap elections.
Isinusulong naman ng oposisyon sa kamara ang pag-amyenda sa konstitusyon upang bigyang-daan ang pagkakaroon ng snap elections.
Ayon kay House Minority Leader Francis Escudero, ikinukunsidera nila ang panukalang snap polls ni Bro. Mike at iba pang grupo.
Nais ng oposisyon na amyendahan lamang ang Article 7 section 4 ng konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly upang bigyang-daan ang snap elections.
Sinabi naman ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, mahihirapang makalusot ang panukalang single amendment na ito dahil kinakailangan ang 3/4 votes ng Kamara at Senado dito.
Bukod dito, wika pa ni Sen. Santiago, mangangailangan ng P5 bilyon ang gobyerno para tustusan ang nasabing snap elections na hindi na kakayanin ng bumabagsak nating ekonomiya.
Tinutulan naman ng Palasyo ang mungkahing snap elections ni Bro. Mike at Hyatt 10.
Ayon kay Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, walang dahilan para putulin ng Pangulo ang kanyang termino dahil inihalal siya hanggang 2010.
Wika pa ni Sec. Bunye, hindi lamang labag sa konstitusyon ang pagpapatawag ng snap elections kundi mababalewala lamang ang natamo nang katatagang pampulitika at pangkabuhayan ng bansa.
Umapela si Bunye sa oposisyon na itigil na nito ang destabilisasyon sa gobyerno bagkus ay tumulong na lamang upang maiangat ang antas ng kabuhayan ng bansa.
Ilang miyembro naman ng oposisyon sa kamara ang tutol na magdaos ng snap elections dahil wala daw makukuhang pakinabang dito ang mga mamamayan.
Ayon kay Partylist Rep. Renato Magtubo, mas mabuting magtayo na lamang ng Transitional Revolutionary Government kung saan ay magkakaroon ng kinatawan ang ibat ibang sektor kabilang ang manggagawa.
Samantala, pinayuhan naman ni Sen. Joker Arroyo si Vice-President Noli de Castro na huwag pansinin ang mga pasaring ng Hyatt 10 at Black and White Group kung saan ay binibigyan siya ng ultimatum para magdesisyong kumalas kay PGMA.
Sa kabilang dako, naghain naman ng petisyon si Eli Pamatong sa Korte Suprema kung saan ay pinapaaresto at pinapatalsik sa puwesto sina Pangulong Arroyo at VP de Castro dahil sa kasong treason, usurpation of authority, plunder at iba pang kaso. (Malou Rongalerios, Lilia Tolentino, Rudy Andal, Gemma Amargo-Garcia)