Ayon kay JC Frial, abogado ng exporter na si Willy Keng, ilegal umano ang ginawang pagbibigay-proteksiyon ng Maritime Police sa tangka ng Matatag Mining Corp. na isakay sa isang shipping vessel ang nasabing iron ore kahit na si Keng ang tunay na nagmamay-ari nito.
Ipinaliwanag ni Frial na si Keng ang pumalit na interes kay Chen Keyong, na siya namang nakakuha ng eksklusibong karapatan na bilhin ang iron ore na minina ng MMC mula sa Camachin iron mine.
Ang karapatan ni Chen sa iron ore, na nasalin kay Keng, ay sa bisa ng investment na US$600,000 na nagrerepresenta ng 40% equity sa MMC. Bukod dito, nakapag-advance na rin si Chen ng $2.3 milyon sa MMC para sa mining operations nito na dapat bayaran ng MMC ng cash o ng katumbas na halaga ng iron ore.
Si Chen ay nag-isyu umano ng deed na nag-assign kay Keng ng lahat ng kanyang karapatan, shares at interes sa MMC. Gayundin naman ay ini-assign ni Elson Ogario kay Keng ang kanyang 130,000 shares sa MMC.
Gayunman, isang grupo sa MMC, sa pangunguna ni Dick Yau, ang nagsampa ng injunction sa Manila Regional Trial Court na pansamantalang pumigil sa exportation ng iron ore sa China.