Sa isang pahayag ni Archbishop Angel Lagdameo, incoming president ng CBCP, sinabi nito na hindi dapat ginamitan ng tubig ang mga sumama sa prusisyon dahil isa itong krusada para sa "good governance".
"It was a patriotic manifestation of concern for our country because it was a prayer assembly and peaceful procession (and) violent dispersal of the participants was uncalled for and objectionable," ani Lagdameo.
Magugunitang pinatikim ng calibrated preemptive response (CPR) ng pulisya ang nagmartsang mga obispo at madre pagsapit sa San Sebastian College sa CM Recto Ave.
Nagpumilit umanong lumusot sa Mendiola ang grupo kaya napilitan silang gamitan ng water cannon at nadamay pati sina Guingona, Sen. Jamby Madrigal, dating Executive Sec. Oscar Orbos, Rep. Satur Ocampo at Fr. Robert Reyes.
Batay sa napagkasunduan ng pulisya at ng mga organisador ng pagkilos, maaari lamang mag-martsa hanggang sa simbahan ng San Sebastian sa C.M. Recto ang mga kasama sa prusisyon.
Inalis naman bilang deputy ground commander ng anti-riot activities si Supt. Florencio Ortilla na siya umanong nag-utos ng pagbomba ng tubig.
Samantala, iniutos na ni Pangulong Arroyo ang masusing imbestigasyon kung may paglabag ang PNP sa isinagawang dispersal at pagtira ng water cannon sa mga ralista.