Ayon kay MPD Director C/Supt. Pedro Bulaong, "judgement call" ni Ortilla ang pagtira ng tubig makaraang mangulit ang mga ralista at maghamon na tumawid sa Mendiola sa kabila na itoy "no rally zone".
Gayunman, inihayag ni Bulaong na inalis na niya si Ortilla sa puwesto nito at hindi na pinapayagang makilahok sa anumang mga anti-riot activities ng MPD. Hihingan din ng paliwanag si Ortilla sa kanyang ginawang marahas na hakbang sa isasagawang imbestigasyon.
Sinabi naman ni MPD-General Assignment Section chief Supt. Arturo Paglinawan na ang paggamit ng water cannon ay labag sa batas. Maaari lamang gamitan ng water cannon ang isang public assembly kapag ito ay nauwi na sa karahasan, may serious threat o actual violence, o nakakasira na sa ari-arian.
Ayon kay Bulaong, ang prayer rally noong Biyernes ay naging bayolente ng makalusot ang break-away group at nagtangkang pumasok sa Mendiola.
Magugunitang pinatikim ng calibrated preemptive response (CPR) ng pulisya ang nagmartsang mga obispo at madre pagsapit sa San Sebastian College sa CM Recto Ave.
Nagpumilit umanong lumusot sa Mendiola ang grupo kaya napilitan silang gamitan ng water cannon at nadamay pati sina dating Vice Pres. Teofisto Guingona, Sen. Jamby Madrigal, dating Executive Sec. Oscar Orbos, Rep. Satur Ocampo at Fr. Robert Reyes.
Batay sa napagkasunduan ng pulisya at ng mga organisador ng pagkilos, maaari lamang mag-martsa hanggang sa simbahan ng San Sebastian sa C.M. Recto ang mga kasama sa prusisyon. (Gemma Amargo-Garcia )