Suporta ng ret. generals kay GMA peke

Peke umano ang lumabas na manifesto ng katapatan at suporta ng mga retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines para kay Pangulong Arroyo.

Kahapon ay galit na pinabulaanan ng mayorya ng mga retiradong heneral ang isang pahinang newspaper advertisement na nagsasaad na kanilang diumano’y deklarasyoon ng suporta at katapatan para sa liderato ng Pangulo.

"I’m denying that. I am after the truth… I did not say anything like that," pahayag ni ret. Lt. Gen. Salvador Mison, isa sa 152 officers na itinalang kabilang sa "stockholders" ng full page ad.

Nabatid na ang magkapatid na sina ret. Lt. Gen. Romeo Padiernos at ret. Col. Justino Padiernos ang nagbayad ng nasabing ad para sa kanilang grupong Agricultural Productivity Development Corp.

Sinabi ni Mison na nakipagpulong na sila sa iba pang opisyal ng organisasyon sa pagkakalathala ng kanilang mga pangalan na walang pirma sa nasabing kontrobersyal na manifesto ng suporta.

Kabilang sa mga heneral na pinabulaanan na kinonsulta sa nasabing manifesto sina dating AFP Chief of Staff ret. Gen. Joselin Nazareno, ret. Major Gen. Jose Solquillo, Rear Admiral Guerrero Guzman at ret. Major Gen. Ramon Montaño, dating Philippine Constabulary chief, ret. Brigadier General Ernesto Gidaya, Brig. Gen. Rodrigo Gutang at Maj. Gen. Pionono Aparri

Si Padiernos ay dating hepe ng AFP-Southcom na pinaratangang nagbebenta ng mga bala sa mga rebeldeng Muslim sa Sulu.

Ang nasabing ad na lumabas kahapon ay ginamit ang pangalan ng mga retiradong heneral na lantarang bumabatikos sa gobyernong Arroyo na pinalitaw na sumusuporta pero nabatid na wala palang katotohanan at isang panlilinlang lamang sa publiko. (Joy Cantos)

Show comments