Ngayon masusubok kung uubra sa mga pari ang calibrated pre-emptive response (CPR) na ipinatutupad ng Philippine National Police (PNP) matapos magbanta ang Kilusang Makabansang Ekonomiya na hindi sila yuyukod sa "authoritarian rule" ni Arroyo. Kailangan anyang magsama-sama ang mga Filipino upang kondenahin ang napipintong pagdedeklara ng martial law, pagpapatupad ng CPR sa mga rali at Executive Order 464.
Ang protesta ay pangungunahan nina Bishops Julio Xavier Labayen, ng Infanta; Antonio Tobias, ng Novaliches at Deogracias Iniquez ng Caloocan. Kasama ng 3 obispo sina dating Pangulong Cory Aquino, Susan Roces, dating VP Teofisto Guingona, Sen. Jamby Madrigal, mga madre, mga militanteng estudyate at ibat ibang organisasyon. Magtitipon ang grupo sa Plaza Miranda Freedom Park at susundan ng rosary procession hanggang San Beda Church at dadaan sa Mendiola.
Binigyang-diin ni Labayen na ang isang mapayapang prusisyon ng simbahan ay hindi na ngangailangan ng permit mula sa pamahalaan. Hanggang kahapon ng tanghali ay hindi pa rin nakakakuha ng permit ang mga madre kay Manila Mayor Lito Atienza.
Ayon sa mga obispo, hindi na nila papayagan pang madagdagan ang mga nagugutom, naghihirap at nasasaktan dulot ng mga karahasan para lamang mapagbigyan ang mga interes ng iilang opisyal ng pamahalaan.
Umaasa sila na ang rally ay magbubuklod sa bawat mamamayang Filipino at sa mga opisyal ng pamahalaan upang mas pagbutihin pa ng mga ito ang kanilang mga tungkulin para sa ikauunlad ng bansa.