Ito ang inihayag ni PAMI General Manager Allan Taglucop sa ginanap na Balitaan @ Kape forum sa Club Intramuros na inorganisa ni Pang-Masa (PM) columnist Arnold Garcia.
Sinabi ni Taglucop na umaabot sa P250 milyon kada taon ang nawawala sa kaban ng gobyerno dahil sa pananatili ng mga ilegal na mga insurance company na naniningil sa kanilang mga kliyente ngunit hindi naman nagre-remit sa National Insurance Commission. Pinaalalahanan naman nito ang mga motorista sa bagong ipinapatupad na CTPL ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan sakop na ng insurance maging mga pasahero ng mga pampublikong jeep at bus.
Sa ilalim ng bagong accident insurance, nabatid na makatatanggap ang pamilya ng driver at pasahero na namatay sa aksidente habang sakay ng jeep ng P60,000 hanggang P900,000 kung aabot sa 12 ang biktima. Makakatanggap naman ang pamilya ng mga biktima ng bus accident ng P60,000 hanggang P3.36 milyon kung may 30 katao ang masasawi.
May nakalaan namang P50,000 insurance sa pamilya ng mga biktima ng aksidente na nakasakay sa mga taxi, FX van at mga truck.
Sinabi ni PAMI Information Officer Joey Reyes na ipinakakalat na nila sa mga pampasaherong jeep at bus sa tulong ng mga transport group ang naturang impormasyon upang mabatid ng publiko lalo na ang masa na hindi nakakaalam na may matatanggap silang insurance sa oras ng aksidente.
Sa oras naman na magkaroon ng aksidente, pinayuhan ni Reyes ang pamilya ng mga biktima na kontakin ang kanilang hotline na 09189032166 o kaya naman ay i-text ang Beep_Pami, plaka ng sasakyan, lugar at petsa ng aksidente at ipadala sa 2353 at 353.
Agad umanong magtutungo ang kinatawan ng PAMI sa mismong lugar ng aksidente at agad na magpapalabas ng inisyal na halaga sa mga biktimang isusugod sa pagamutan. (Danilo Garcia)