Ayon kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., hindi sila titigil sa pag-iimbestiga sa mga katiwalian sa gobyerno hanggat may nangyayaring kababalaghan sa administrasyong Arroyo.
"Unless they stop their wrong-doing, nothing can prevent us from what we are doing," pagdidiin ni Pimentel.
Nilinaw pa nito na hindi naman ang pagkalkal lamang sa baho ng administrasyon ang kanilang inaatupag dahil inaasikaso rin ng kapulungan ang mga resolusyon o panukalang-batas na nakabinbin sa Senado.
Katunayan, nitong nagdaang linggo ay inatupag nila ang floor deliberation sa panukalang-batas na magbibigay ng proteksyon sa mga bata at menor-de-edad na nasa kulungan sa pamamagitan ng paghihiwalay sa kanila sa mga pusakal at matatandang kriminal.
Naubos din umano ang kanilang oras sa pagtalakay sa panukala upang gamitin ang Ethanol bilang alternative fuel sa motor vehicles samantalang naaprubahan na nila ang extension ng Rent Control Law.
"The truth is, while the Senate is undertaking a lot of investigations, which is part of its constitutional duties, there is no interruption in our legislative work," wika pa ng senador.