Ayon kina House Deputy Speaker for Mindanao Gerry Salapuddin at Davao Oriental Rep. Joel Mayo Almario, nakakalimutan na ng mga senador ang kapakanan ng taumbayan hinggil sa mga ipinasang panukala ng Kamara dahil sa halos araw-araw na imbestigasyong ginagawa nito para lamang makuha ang pansin at atensiyons ng media.
Naniniwala ang mga kongresista na ang pagkahilig ng Senado sa walang katapusang pagsisiyasat ang kumakain ng oras ng mga senador sa halip na atupagin ang paggawa at pagpasa ng mga batas.
Ipinagdiinan pa ni Almario na libo-libong mamamayan sa kanyang distrito ang naghihintay na mapagtibay ang pagtatayo ng mga paaralan sa kanilang barangay at iba pang serbisyong pampubliko.
Sa kasalukuyan, umaabot sa 260 local at 25 national bills ang inaamag na sa mga mesa ng mga senador.
Mahigit isang taon na lamang ang nalalabing termino ng Kongreso pero mabibilang sa daliri ang napagtibay na panukalang batas. (Malou Rongalerios)