Ayon kay Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, hindi na nila pinapayagan ang mga militante na magdaos ng mga kilos protesta sa Mendiola bilang pagbibigay galang sa lugar. Kung nais ng mga demonstrador na magsagawa ng kilos-protesta ay maluwang ang Rizal Park, Liwasang Bonifacio, Plaza Miranda at Plaza Moriones para pagdausan ng mga rali na hindi na kailangan pa ng permit.
Maging sa Estados Unidos anya ay hindi pinapahintulutan ang mga rali malapit sa White House.
Kaugnay nito, pansamantalang ipinatitigil ni Commission on Human Rights (CHR) Chairman Purificacion Quisumbing sa mga militanteng grupo ang pagsasagawa ng protest rally hanggat hindi pa nila nakakausap ang Metro Manila Mayors para talakayin ang mga paborableng lugar kung saan maaaring makapagsagawa ng protesta o demonstrasyon ang mga militante.
Hinikayat din ni Quisumbing ang PNP na ibalik ang maximum tolerance upang hindi na maulit ang marahas na pagbuwag sa hanay ng ralista.
Isang consultative meeting ang gagawin sa susunod na linggo ng PNP, NGOs at militant groups upang matalakay ang calibrated preemptive response at pagtukoy sa mga lugar na maaring pagdausan ng protesta. (Lilia Tolentino/Angie dela Cruz)