Erap people power!

Hindi na umano kontrolado ni Pangulong Arroyo ang krisis pulitikal sa bansa kaya panahon na para ibalik sa Malacañang si dating Pangulong Joseph Estrada.

Ito ang lumalakas na panawagan ng libu-libong supporters ni Estrada na nakatakdang magsagawa ng kanilang sariling people power ngayong hapon sa Plaza Miranda upang kondenahin ang anila’y "undeclared martial law" na ipinatutupad ng gobyerno sa pamamagitan ng "calibrated preemptive response" (CPR).

Kasama rin sa kanilang ipinaglalaban ang umano’y panggigipit kay Estrada kasunod naman ng ginawang pagbasura ng Sandiganbayan sa petisyon nito na makapagpiyansa.

Pangungunahan ng Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) at United Opposition (UNO) ang prayer rally at miting de avance.

Ayon kay Pabling Casimina, political director ng partido, ang sunud-sunod na marahas na pagbuwag sa mga kilos protesta laban sa gobyerno ay isang paninikil ng kalayaang makapagpahayag ng kanilang damdamin.

Sinabi rin ni Casimina na malaki umano ang takot ng Malacañang kay Estrada dahil sa patuloy nitong pagiging popular kumpara kay Arroyo sa lahat ng public survey sa kabila ng pangyayaring nakakulong ito sa walang katotohanang kasong plunder.

Si Erap din at hindi si Vice Pres. Noli de Castro ang kinikilala ng US government na pinakakatanggap-tanggap na alternatibo kay Mrs. Arroyo, dugtong pa ni Casimina.

Ipapaliwanag sa rally, sa pamamagitan nina Atty. Allan Paguia at dating Senador Ernesto Maceda na si Presidente Erap ang may legal na karapatan na mabalik sa Malacañang at mahina ang kasong plunder laban sa kanya, dagdag pa ni Casimina.

Ang iba pang speakers sa rally ay pangungunahan ni PMP chairman Sen. Juan Ponce Enrile, Sen. Jinggoy Estrada, Makati Mayor at UNO chairman Jojo Binay, Navotas Mayor at PMP spokesman, San Juan Mayor JV Ejercito at iba pang mga kinatawan mula sa Kongreso, militar, rehiyon, business at socio-civic organizations. (Ellen Fernando)

Show comments