Ang pangalan ni Justice Davide ay pormal na isusumite ni Sen. Pangilinan sa Judicial and Bar Council (JBC), ang constitutional body na naatasang kumilatis sa mga nominado sa posisyon ng Ombudsman.
Tatlong pangalan lamang ang maaaring isumite ng JBC sa Pangulo para pagpilian kung sino ang papalit kay Marcelo.
Nakatakdang magretiro si Davide ngayong Disyembre 20 samantalang ang effectivity naman ng resignation ni Marcelo ay ngayong Nobyembre 30.
Nagpahayag pa ng paniniwala si Pangilinan na kung uupong Ombudsman si Davide ay posibleng bumalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan bunsod ng sunud-sunod na kontrobersiyang lumalabas laban kay Pangulong Arroyo.
Bukod kay Davide, lumutang din ang pangalan ni pro-administration Rep. Douglas Cagas bilang kapalit ni Marcelo upang hindi umano umusad ang kaso laban sa mga kaalyado ng Pangulo.
Matatandaan na nagbitiw sa puwesto si Marcelo sa sumasamang lagay umano ng kanyang kalusugan subalit base sa itinimbre ng source ng pahayagang ito, ang pakikialam umano ni First Gentleman Jose Miguel Arroyo sa mga nakabinbin na kaso ang siyang mitsa ng pagbaba sa puwesto ng Ombudsman. (RAndal)