Pamilya ng 131 biktima ng plane crash wagi sa US Court

Nakapuntos ang pamilya ng 131 nasawing mga pasahero at tauhan ng Flight 541 ng Air Philippines matapos na katigan ng Illinois Supreme Court sa Estados Unidos na dapat sa Pilipinas isagawa ang pagdinig sa kaso laban sa international company na nag-supply ng bumagsak na eroplano.

Sa desisyon ng Circuit Court County, ibinasura nito ang apela ng defendant na AAR and Fleet na litisin ang kasong isinampa ng mga pamilya ng mga biktima sa Chicago.

Iginiit ng korte na nararapat na sa Pilipinas dinggin ang kaso ng kapabayaan ng AAR and Fleet dahil sa bansa naganap ang pagbagsak ng isinuplay nilang eroplano sa Air Philippines. Kinupirma naman ng Appeals Court ng US ang naturang desisyon.

Nag-ugat ang kaso matapos na mag-crash ang Flight 541 Boeing 737-200 ng Air Philippines noong Abril 19, 2000 sa isang plantasyon ng niyog sa isla ng Samal kung saan nasawi ang lahat na 131 pasahero at crew.

Dito nabatid na "sub-standard" umano ang naturang eroplano.

Pinangunahan naman ni North Cotabato Gov. Emmanuel Pinol ang pagsasampa ng kaso laban sa AAR and Fleet. Kasamang nasawi sa trahedya ang dalawang pamangkin ni Pinol.

Ang nasabing desisyon ay magiging daan para makakuha ng karapat-dapat na kompensasyon ang pamilya ng mga biktima. (Danilo Garcia)

Show comments