Gudani, Balutan binabantaan

Nakakatanggap na umano ng mga pagbabanta sa buhay sina Marine B/Gen. Francisco Gudani at Lt. Col. Alexander Balutan dahil sa pagtestigo laban sa administrasyon sa kontrobersiyal na "Hello Garci" scandal.

Ayon sa isang general na mistah ni Gudani sa Phil. Military Academy, under threat ang dalawa kasama na rito ang kanilang pamilya.

Binabalak umanong dukutin ng mga armadong pakawala ng kanilang mga kalaban ang pamilya ng dalawa upang mapilitan ang mga ito na umatras sa kanilang testimonya sa Senado.

Ayon pa rito, walang mabuti kundi ingatan ng dalawa ang kanilang mga pamilya upang hindi madamay sa posibleng buwelta ng mga taong kanilang nasagasaan.

"If they are under threat, I assure you not from the government but from the perceived enemies of the administration, it’s part of dirty politics," ayon sa heneral.

Magugunita na bumaligtad ang testigo ni Sen. Panfilo Lacson sa Jose Pidal na si Udong Mahusay. Matapos dukutin ng mga umano’y tauhan ng Presidential Security Group (PSG) si Mahusay ay bigla nitong binawi ng kanyang testimonya at itinuro si Lacson na siya umanong utak ng kanyang inihayag sa Senate hearing. (Joy Cantos)

Show comments