Sa impormasyong nakarating sa tanggapan ni Foreign Affairs Undersecretary Jose Brillantes, sinasabing ang biktima ay nakilalang si Ivy Collantes Bautista, tubong Quezon Province.
Sinasabing nilaslas ang lalamunan ng biktima habang ito ay mahimbing na natutulog sa loob ng kanyang kuwarto sa Santander, Spain.
Hindi pa ibinibigay ng DFA ang pangalan ng suspek dahil hindi pa naipaalam sa kanyang mga pamilya sa bansa.
Ayon sa ina ng biktima na si Aling Demetria, kalunos-lunos ang sinapit ng kanyang anak at nararapat lamang na mabigyan ito ng hustisya.
Nabatid ni Aling Demetria ang ginawang pagpatay sa kanyang anak mula sa tiyahin ng biktima na si Nelia Maranan na nagtatrabaho rin sa bansang Spain.
Hindi pa rin batid ng DFA at ng pamilyang Collantes kung ano ang motibo ng krimen na siyang subject ngayon ng imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing bansa.
Tiniyak ng DFA na tutulungan nila ang magkabilang panig tulad ng pagtulong sa pamilya nina Jane La Puebla at Guen Aguilar. (Mer Layson)