Basag ang bungo at lasug-lasog ang katawan ng Pinay na si Alene Arguelles, tubong Roxas City at Cavite nang makita ito sa baba ng condominium building na tinutuluyan ng kanyang amo.
Sa report ni Ambassador Belen Anota ng Embahada ng Pilipinas sa Singapore, idineklara ng mga manggagamot na namatay si Arguelles bunga ng matinding pinsala at pagkadurog ng kanyang ulo at katawan.
Inaalam ng Embahada ang ulat na hatinggabi umano habang naglilinis ng salamin ng bintana si Arguelles nang aksidente umanong mahulog ito sa gusali.
Naging malaking palaisipan sa pamilya ng biktima ang paglilinis ng bintana ng hatinggabi na tila hindi kapani-paniwala at pinaniniwalaang may "foul play" sa insidente.
Ayon kay Susan, kapatid ng biktima na base sa nakarating na ulat sa kanila ay nahulog si Alene habang nakadungaw sa bintana ng kanyang silid.
Hihilingin ng pamilya Arguelles sa pamahalaan na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa pagkasawi ng Pinay DH dahil walang dahilan upang magpatiwakal ito.
Ang mga labi ni Arguelles ay dumating na kahapon ng bandang ala-1:20 ng hapon sakay ng Philipine Airlines (PAL) PR flight 502 sa NAIA at sinalubong ng kanyang mga kaanak.
Base sa rekord ng OWWA, wala sa talaan ng mga legal na manggagawang Pinoy si Arguelles. Siya ay tumulak sa Singapore bilang isang tourist at nagtrabaho bilang domestic helper ng walang kaukulang papeles.
Sa ipinatutupad ng DOLE, walang matatanggap na anumang benepisyo mula sa gobyerno ang mga "undocumented" workers.
Magugunita na pinaslang ang Pinay na si Jane La Puebla at pinagputul-putol ang katawan nito ng umanoy kapwa Pinay maid na si Guen Aguilar noong Setyembre 9 sa Singapore. (Ellen Fernando at Butch Quejada)