Nakumpleto ng Exportbank ang pagbabayad ng kabuuang P15.8 bilyon na obligasyon ng UB sa dating mga kliyente ng nasarang bangko at ng Urban Bank Investments (UBI), sa ilalim ng "Three-Year Liability Servicing Program" (LSP), na pinagkasunduan ng EIB at Philippine Deposit Insurance Corp. (PDIC). Ang ikatlo at pinal na hulog ay nakumpleto noong Setyembre 2004.
Matatandaang ipinasara ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong Abril 26, 2000 ang Urban Bank dahil sa pagiging "illiquid" (o kulang sa pondo) nito. Agad na iniligay ng BSP ang Urban sa "receivership".
Nang saluhin ng Exportbank ang UB, binuo ang naturang plano sa pagbabayad sa mga dating kliyente ng UB/UBI. Nitong Setyembre 15, 2005, nakatanggap ng bonus ang mga kliyenteng ito nang magbigay ng kabuuang P47 milyon ang Exportbank sa mga kliyenteng ito bilang karagdagang "interest recovery" (o nasalbang interes sa deposito) isang bagay na unang nangyari sa "banking history" sa bansa.
Ang pagbabayad ng Exportbank ng karagdagang interes at ng kabuuang pagkakautang (Repayment Notes) sa mga depositor at kreditor ng UB-UBI sa ilalim ng 3-Taong LSP, ay dalawa sa tinaguriang "landmark achievements" ng Exportbank.