Ayon sa ulat ng Philippine Medical Association (PMA), pangunahin sa walong dahilan ng pangingibang-bansa ng mga Pinoy doctors ang krisis sa pulitika, mababang sahod at benepisyo, problema sa peace and order at mataas na buwis. Kasalukuyan umanong nasa 4,000 na mga doktor ang naka-enrol ngayon sa mga nursing schools at 2,347 na ang kumuha ng Nursing Licensure Exams nitong Hunyo 2004-2005.
Sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), 87,852 nurses na ang nag-abroad mula 1992-2003. Maaari pa umanong mas mataas ang naturang datos dahil sa marami sa mga nurses at doktor ang inaarkila ng mga dayuhang employer at hindi na kailangan pang dumaan sa POEA.
Paboritong destinasyon ng mga doktor at nurse ang bansang US, UK, KSA, Ireland, Singapore, at UAE. Dito sumusuweldo ng hanggang US$6,000 kada buwan o katumbas na P330,000. (Danilo Garcia)