Hinikayat ni CHR Commissioner Dominador Calamba ang ibat ibang grupo ng mga ralista na abisuhan muna sila kung saan at kailan balak ng mga itong magsagawa ng pagkilos upang maiwasan ang magkasakitan sa pagitan ng magkabilang panig at mapangalagaan ang interes ng mga ito.
Sinabi ni Calamba na nais nilang malaman ang araw ng protest actions upang makapagtalaga ang komisyon ng kinatawan nito sa bawat rally site na magsisilbing observer.
Samantala, idinepensa kahapon ng Malacañang ang direktiba nitong higpitan na ang pagdaraos ng mga rally partikular sa Makati City dahil nanganganib ang demokrasya sa pag-iingay ng iilan lang mga tao.
Tinawag ng Palasyo na anarkiya ang mga kilos-protesta na ginagamit ng ilang sektor para magpasikat sa mga lansangan at sirain ang ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Executive Sec. Eduardo Ermita, ang mga nakaraang kilos protesta sa Makati ay isang halimbawa ng masamang epekto sa ekonomiya. "Kaya kung nakakasira sa ating interes, sa national interes ay karapatan na ng pamahalaan na gawan ito ng hakbang upang hindi makasira sa kalagayan ng bansa," ani Ermita.
Hiniling naman kahapon ni Senate Majority Leader Francis Pangilinan sa pamahalaan na igalang ang karapatan ng mamamayan para sa malayang protesta dahil ginagarantiyahan ito sa Konstitusyon.
Sinabi ni Pangilinan na huwag kitlin ang karapatang ito dahil lalo lamang iigting ang galit ng mamamayan kung pati ang mapayapang pamamahayag ng sentimyento ng taumbayan ay papatayin nang estado.
Aniya, nasa ilalim tayo ng demokrasya at hindi diktadurya kaya tiisin na lamang ng Arroyo administration ang mga kilos protesta. (Lilia Tolentino/Angie dela Cruz/Rudy Andal/Danilo Garcia)