Pamilya La Puebla, Aguilar ‘magtutuos’ sa Singapore court

Nakatakdang magharap ngayong araw sa Singapore court ang pamilya ng Pinay chop-chop victim na si Jane Parangan La Puebla at akusadong Pinay maid na si Guen Aguilar.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), tumulak na kahapon bandang alas-2:15 ng hapon patungong Singapore ang asawa ni La Puebla na si Crusaldo,tiyahing si Sally Parangan, Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) chairman Dante Jimenez at isang pathologist na si Dr. Racquel Fortun sakay ng Singapore Airlines.

Si Aguilar ay haharap ngayon sa korte. Inaasahang magkikita ang pamilya La Puebla at akusado na sasaksihan ng kanyang mister na si Edwin Aguilar na nasa Singapore din upang magbigay ng suporta sa asawa.

Una na ring nagpahayag ang pamilya La Puebla na kanilang ilalaban ang kaso upang mabigyan ng hustisya ang brutal na pagpatay kay Jane na idineklarang "undocumented worker". Samantalang puspusan ang pagbibigay ng legal assistance ng gobyerno para kay Aguilar upang maisalba ito sa parusang kamatayan. Hihingin naman ng pamilya La Puebla na maiuwi na ang mga labi ng nasabing Pinay matapos ang autopsy. (Ellen Fernando)

Show comments