Sa ipinadalang report ni Philippine Consul General in Los Angeles Marciano Paynor sa Department of Foreign Affairs (DFA), agad na hinarang at inaresto si Gen. Jarque kasama ang asawa nito na si Zenia pagkadating sa nasabing paliparan sakay ng Korean Airlines mula Manila nitong Setyembre 20 matapos na makita ang pangalan ng heneral sa talaan ng U.S. "terrorist watchlist" dahil sa pagiging affiliate nito sa National Democratic Front (NDF) bilang isang consultant.
Nabatid na tumungo ang mag-asawang Jarque sa US upang bisitahin ang kanilang anak na si Melissa Cunanan na naninirahan sa Irving, Texas.
Agad na nakipag-ugnayan ang Consul General at Embahada ng Pilipinas sa Washington kay Cunanan at ipinagbigay-alam ang pagkakadakip ng magulang. Mabilis na nakipag-koordinasyon ang mga ito kay Atty. Arlene Macchetta ng Houston na siyang nagrekomenda sa law firm ni Jose Reina sa Dallas na nag-asikaso sa gusot ng mag-asawang Jarque.
Idinagdag pa ni Paynor na lumagda ang heneral at asawa nito sa isang dokumento para sa kanilang agarang deportasyon sa Pilipinas at nagpahayag na hindi na lalabanan o kokontrahin ang naging desisyon ng US Immigration authorities sa Dallas. Pinayagan rin ang mga ito na madalaw ng kanilang anak at mga apo na nasa Dallas habang nakapiit kamakalawa ng hapon.
Bago ang takdang pag-alis ng heneral at misis nito ay inilipat sila sa isang lugar habang isinasaayos ang kanilang pagbabalik sa bansa.
Inaasahan na darating ang mag-asawang Jarque ngayong alas-10:50 ng gabi sakay ng Korean Airlines flight KE-621 mula Seoul matapos na mai-book kagabi ang kanilang pag-alis sa US.
Nakaabot naman ang ulat kay Senador Rodolfo Biazon at ayon sa kanya ay wala siyang alam na kasong kriminal na nakasampa sa Pilipinas laban sa dating heneral. Nagtungo aniya ang mag-asawa sa Texas upang mabigyan ng tamang lunas si Gng. Jarque na nangangailangan ng kidney transplant. (Ellen Fernando at Rudy Andal)