Northrail suportado ng magbubukid sa Central Luzon

Sinuportahan ng mga magsasaka sa Gitnang Luzon at mga local government units ang proyektong North Luzon Railways Corporation (Northrail) na magdudugtong sa Kamaynilaan, Bulacan at Pampanga.

Sa isang resolusyon ng Kalipunan ng Malayang Magbubukid ng Gitnang Luzon sa pangunguna ng pangulo nitong si Efren Clemente, nagpahayag ng buong suporta ang mga magbubukid sa mabilisang pagpapatayo ng Northrail dahil malaking tulong ito sa kanilang sektor.

Sinabi ni Clemente, hindi lamang magkakaroon ng alternatibong transportasyon ang taumbayan patungo sa lalawigan ng Bulacan at Pampanga mula sa Metro Manila kundi magiging mabilis na rin ang paghahatid ng kanilang produkto patungo sa pamilihan.

Nanawagan naman ang Pampanga Mayor’s League sa pamamagitan ng isang resolusyon sa liderato ng Kongreso at Senado na huwag nang haluan ng pulitika ang Northrail project upang agaran na itong maipatupad para sa kagalingan ng taumbayan.

Ayon kay Candaba, Pampanga Mayor Jerry Pelayo, malaking tulong sa pag-unlad ng Central Luzon ang pagkakaroon ng mabilis at alternatibong transportasyon kaya hindi na dapat itong mabalam dahil lamang sa pulitika.

Wika pa ni Mayor Pelayo, tinukoy mismo ng mga investors mula sa Clark at Subic na malaking tulong para sa economic growth ng bansa ang Northrail project dahil magiging mabilis na ang transportasyon patungo sa 2 economic zone sa Central Luzon. (Rudy Andal)

Show comments