Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), anumang araw ngayong linggo ay isasalang sa pagsusuri si Guen upang malaman kung nasa katinuan ang kanyang pag-iisip nang kanyang patayin umano at pagputul-putulin ang biktimang si Jane La Puebla.
Bahagi ito ng isinasagawang imbestigasyon ng prosekusyon sa kanyang murder case.
Itinakda ang pangalawang pagdinig sa Setyembre 23. Sa araw na ito ay maaaring mag-plea na ang akusado sa harap ng kanyang abogado na ibinigay ng gobyerno.
Base sa ulat, nakausap na rin ni Guen ang mister niyang si Edwin Aguilar na kasalukuyang nasa Singapore para magbigay ng suporta sa asawa. Umabot sa 30 minuto ang kanilang pag-uusap matapos pumayag ang korte sa kahilingan ng akusado.
Nagpadala na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) ng magiimbestiga sa mga kaanak ni Guen sa Tagudin, Ilocos Sur upang malaman ang background nito at kung may diperensiya ito sa pag-iisip.
Inaasahang tutulak na ngayon patungong Singapore ang 3-man team ng NBI na naatasan ng gobyerno na mag-obserba sa gagawing final autopsy sa mga putul-putol na katawan ni La Puebla na nasa kustodya ng Singapore police. (Ellen Fernando)