Si Dilangalen ay nasibak sa puwesto matapos na mag-abstain ang kanyang maybahay na si Rep. Baisendig Dilangalen sa botohan ng House of Representatives sa isyu ng impeachment laban kay Pangulong Arroyo.
Sinabi ng kampo ni Estrada na nais ng dating Pangulo si Dilangalen bilang tagapagsalita nito at dahil na rin sa paliwanag na hindi niya hawak ang desisyon ng kanyang maybahay sa kontrobersyal na impeachment issue.
Naniniwala umano si Estrada na walang kapalit na pera ang ginawang pagboto ni Gng. Dilangalen. Wala rin umanong plano si Estrada na ibalik sa Partido ng Masang Pilipino (PMP) ang tinanggal na si Bulacan Rep. Pedro Pancho dahil sa pag-amin nito na tumanggap siya ng P21 milyong halaga ng mga proyekto mula sa administrasyon kapalit ng pagbaligtad nito.
Samantala, isinusulong pa rin ni Estrada ang kanyang kampanyang "Rebolusyon Kontra sa Gutom" para sa mahihirap.
Inilunsad nito ang palatuntunan sa pamamahagi ng may 300 biik sa mga mahihirap ng Brgy. Sampaloc na sakop sa kanyang rest house sa Tanay. (Ulat ni Lilia Tolentino)