Erap boys iniwan sa ere ang oposisyon sa impeachment

Hindi napakinabangan kahapon ng oposisyon ang ilang kongresistang kaalyado ni dating Pangulong Joseph Estrada matapos hindi sumipot ang mga ito sa botohan sa impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo.

Hindi nagpakita sa plenaryo upang bumoto ng ‘No’ sa Committee Report No. 1012 ng House Committee on Justice sina Reps. Imee Marcos (Ilocos Norte), Vincent Crisologo (Quezon City), Luis Asistio (Caloocan), Oscar Malapitan (Caloocan) at Antonio Serapio (Valenzuela).

Nabatid sa isang source na si Asistio ay umalis ng bansa at nagtungo sa Amerika. Hindi rin sumuporta at sa halip ay nag-abstain na lamang si Maguindanao Rep. Baisendig Dilangalen, asawa ni Didagen Dilangalen na tumatayong spokesman ni Estrada. Wala rin si Joseph Santiago (Catanduanes) at Reynaldo Uy (Western Samar) na bagaman at pumirma sa impeachment complaint ay hindi nagpakita sa plenaryo upang bumoto ng ‘No’ sa committee report.

Sinabi ni Escudero na binibigyan pa rin nila ng "benefit of the doubt" ang mga kasamahan nila sa oposisyon na hindi nagpakita ng todong suporta sa isinulong na impeachment kaya kinapos ang boto.

"Ayokong pangunahan hangga’t hindi ko naririnig ang kanilang pahayag. Masyado nang maraming nasaktan sa isyung ito na lumikha ng maraming away," sabi ni Escudero.

Matatandaan na sa isang press statement ni Estrada na personal na dinala sa plenaryo ng anak nitong si San Juan Mayor JV Ejercito, inutusan nito ang mga kaalyadong kongresista na pumirma sa impeachment complaint. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments