Pro-impeach solons ‘magwawala’ sa Lunes

Isa pang boykot ang binabalak ng mga kongresista na nagsusulong ng impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo sa pamamagitan ng hindi paglagda sa report ng House committee on justice na inaasahang pagbobotohan sa plenaryo sa susunod na Lunes.

Sinabi nina House Minority Leader Francisco Escudero, secretary-general ng United Opposition at House Senior Minority Leader Rolex Suplico na hindi nila lalagdaan ang report kung hindi sila pagbibigyan na buhayin ang ‘amended complaint’ ng oposisyon.

Isa aniyang kalokohan ang ginawa ng mayorya na sila-sila na lamang ang nagkasundo at nagdebatehan kaugnay sa pagbasura ng ‘amended complaint’ ng oposisyon.

"We will not sign the committee report if they will change the game again. Akala ko ba okey sa kanila ang amended kapag may 79 signatures kami? Huwag naman nilang ibahin ang tono ng kanta. Pangit iyan at masakit sa tenga," pahayag ni Escudero.

Umaasa pa rin ang oposisyon na makukuha nila ang 79 na lagda sa Lunes. Kabilang sa inaasahang lalagda pa sa impeachment complaint ang mga mambabatas mula sa minorya tulad nina Reps. Luis Asistio at Oscar Malapitan (Caloocan); Reps. Antonio Serapio (Valenzuela); Vincent Crisologo (Quezon City) at Baisendig Dilangalen (Maguindanao), asawa ni dating Rep. Didagen Dilangalen.

Samantala, isang source ang nagsabi na 15 kongresista ang posibleng kumalas sa kanilang pirma bilang endorsers.

Patuloy anyang nakakatanggap ng pressure mula sa Palasyo ang 15 solons kaya hindi imposibleng bawiin nila ang kanilang lagda bago dumating ang Lunes. (Malou Rongalerios)

Show comments