Turismo babagsak dahil sa girian sa Kongreso

Nakatakdang bumagsak na rin ang industriya ng turismo sa bansa dahil sa masamang imahe na dulot ng girian sa Kongreso at patuloy na banta sa terorismo sanhi ng travel advisory ng United Kingdom.

Sinabi kahapon ni Philippine Tourism Authority (PTA) General Manager Robert Dean Barbers na nangangamba sila ngayon sa pagkamatay ng turismo dahil sa sigalot sa pulitika at banta sa seguridad matapos ihayag ni National Security Adviser Norberto Gonzales ang presensiya sa bansa ng mga international terrorists.

Matatandaan na sinabi ni Gonzales na may 10 expert bomber buhat sa Indonesia ang dumating dito sa Pilipinas upang magsagawa ng pagpapasabog kung saan posibleng kabilang ang pambobomba sa M/V Doña Ramona sa Basilan, Mindanao.

Ayon kay Barbers, sana’y hindi na ipinaabot sa media ang pagdating ng mga terorista dahil ikinabahala ito ng mga turista at sa halip ay nakipag-koordinasyon na lamang sa mga lokal na pamahalaan upang magpaalam sa kanilang mga nasasakupan. Nabatid na nakalinya na ang mga international events na dadaluhan ng mga delegado buhat sa iba’t ibang bansa ngunit nagdadalawang-isip na pumunta sa bansa dahil sa kabi-kabilang kaguluhan. (Danilo Garcia)

Show comments