Lozano pakawala raw ng Malacañang

Ibinulgar kahapon ng apat sa tinaguriang "Hyatt 10" na may sabwatan sa pagitan ni Pangulong Arroyo at Atty. Oliver Lozano para patayin ang impeachment complaint.

Sa isang press conference sa Metro Club, Makati City, tahasang sinabi ng "Hyatt 4" sa pangunguna nina ex-DepEd sec. Florencio Abad at ex-DSWD sec. Dinky Soliman na pakawala umano ng Malacañang si Lozano at inakusahan ang Pangulo na siyang nag-utos kay Political Adviser Gabriel Claudio na ipa-endorso kay Alagad Party List Rep. Rodante Marcoleta ang kasong impeachment ni Lozano.

Sinabi ni Soliman na kaharap siya ng lapitan ng Pangulo si Claudio at sabihang "pa-endorse mo na" na tumutukoy sa impeachment.

Una nang ibinunyag ni Manila Rep. Rodolfo Bacani na balak patayin ng majority bloc ang impeachment complaint laban sa Pangulo. Kasama anya sa plano na aprubahan ang Lozano complaint pero sa bandang huli ay idedeklara nila itong walang basehan at mahina kaya ibabasura lamang.

Sinabi ni Soliman na may nakarating na impormasyon sa kanila na ang ie-endorso umano ay ang reklamo ni Lozano.

Binatikos din ng "Haytt 4" ang ginagawa ng administrasyon na isinasakripisyo ang mga kuwalipikadong mga opisyal ng gobyerno kapalit ng paglalagay sa puwesto sa mga taong kakampi ng Pangulo sa isyu ng impeachment.

Binanggit nito ang pagbibitiw ni dating Subic Bay Metropolitan Authority chairman Francisco Licuanan III na isang halimbawa kung saan itinalaga ang dating aide ni Sen. Richard Gordon.

Samantala, pinabulaanan naman ni Claudio ang akusasyon ni Soliman na bahagi ng pagsasabwatan ang isinampang impeachment ni Lozano at tinawag na desperado ang dating kalihim ng DSWD.

Ayon kay Claudio, itinapat ni Soliman ang kanilang pag-aakusa sa panahong mayroong debate para pagbotohan ang kasong impeachment. Nakapagtataka anyang hindi inihayag ni Soliman ang bintang na ito noong nagbitiw ito.

Layon anya nitong bulabugin ang isipan ng publiko at impluwensiyahan ang gagawing desisyon ng House committee on justice kung anong reklamo ang dapat talakayin kaugnay sa porma at sustansiya. (Lordeth Bonilla/Lilia Tolentino)

Show comments