Ebdane mahihirapan sa CA

Siniguro kahapon ni Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr. na mahihirapang makalusot sa Commission on Appointments (CA) si Public Works Sec. Hermogenes Ebdane dahil sa mga kontrobersya at alegasyon sa kanyang pamumuno.

Sinabi ni Sen. Revilla, chairman ng senate committee on public works at vice-chairman ng CA sub-committee on public works, kailangang ipaliwanag ni Ebdane ang hindi nito paglagda sa pagkakaloob ng Phase 2 ng P1.4 bilyong Agno River Flood Control Project sa Bayambang, Pangasinan para sa lowest bidder nitong Daewoo Engineering sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema.

Idinagdag pa ni Revilla, dahil dito ay nalugi ang gobyerno, nabalewala ang ginastos nito sa Phase 1 ng proyekto na nagkakahalaga ng P3 bilyon.

Nagbanta ang Japan Bank for International Cooperation, ang funding institution ng proyekto, na babawiin nila ang pondo kapag hindi nalagdaan ang proyekto hanggang bukas.

Bukod dito, nais din ni Revilla na linawin ni Ebdane kung bakit ayaw nitong pirmahan ang rebokasyon ng kontrata ng R-2 builders, J.M. Luciano construction at Construction Specialist Corporation para sa rehabilitasyon ng Surigao-Davao coastal road, Bacuag-Claver Section matapos matuklasang may 34.51 percent slippage ang mga ito sa proyekto. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments