14 bus inimpound, bawal bumiyahe sa Metro

Labing-apat na pampasaherong bus ang binatak at pinagbawalang magbiyahe sa mga pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa hindi pagbabayad at ginawang pagboykot ng mga ito sa pinatutupad na Metro Traffic Ticket (MTT) ng ahensiya.

Ayon kay MMDA Chairman Bayani Fernando, sinampolan nila ang mga operator ng 14 na bus kung saan naka-impound ang kanilang unit at hindi muna pinagbibiyahe sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila hanggang hindi nagbabayad ng multa. Inalerto na rin ni Fernando ang mga traffic enforcers at miyembro ng Traffic Enforcement Group (TEG) sa random checking para makilala ang mga recidivists traffic violators.

Ito ay upang mabigyan ng leksiyon hinggil sa ginawa nilang pagbalewala sa MTT, kasabay ng kautusan nito kay Traffic Operations Center (TOC) Executive Director Angelito Vergel de Dios na seryosohin ang operasyon hanggang hindi natututong magbayad ng traffic fines ang mga tsuper na naisyuhan ng MTT.

Tiniyak ni de Dios na isang tawag lamang sa MMDA Metro Base ay kaagad masusuri kung ang driver ay updated sa pagbabayad at walang pending na MTT. (Lordeth Bonilla)

Show comments