Sa ipinalabas niyang Executive Order 453, pipili ng 50-kataong mahuhusay at matatalinong miyembro mula sa mga kinatawan ng national, regional at sectoral groups na ia-appoint o itatalaga ng Pangulo. Magsisimula ang trabaho ng 50 sa Setyembre 15, 2005 at kailangang maisumite nila ang rekomendasyon sa Pangulo sa Dis. 31, 2005.
Kabilang sa mga pag-aaralan ng komisyon ay kung dapat na palitan ang sistema ng gobyerno mula presidential tungo sa parliamentary at pagrebisa sa mga polisiyang pang-ekonomiya.
Sa isang press conference kahapon, sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita na bukod sa makakatugon sa kuwalipikasyong itinakda bilang miyembro ng komisyon, ang 50 kataong komite ay kailangang maging handa sa tinagurian niyang "labor of love."
Halagang P10 milyon ang pondong inilaan para sa gawain ng binuong komisyon.
Ayon naman kay PMS Head Secretary Rigoberto Tiglao isang screening committee na kinabibilangan ng mga kagawad ng Gabinete ang itatatag ni Ermita para suriin ang lahat na nominadong aplikante para maging miyembro ng komisyon.
Ang mga nominadong aplikante ay kailangan ipadala sa screening committee kasama na ang mga dokumentong kailangan na nagpapatunay ng kanilang mga kuwalipikasyon.
Ang lahat na nominasyon ay kailangang ipadala sa Office of the Presidential Management Staff c/o PMS Deputy Head Undersecretary Charito Eliger, 10th floor, PMS Building, Arlegui st. Malacañang Complex hanggang Agosto 31, 2005.
Nilinaw naman ni Ermita na ang rekomendasyon ng komisyon ay isusumite sa Kongreso na siyang magsasagawa ng pinal na pagsususog sa karta sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Ang pinal na desisyon sa pagsususog sa karta ay nakasalalay pa rin sa Kongreso bilang Constituent Assembly.