Sa House Resolution 464 na inihain nina Ilocos Norte Rep. Imee Marcos at Cavite Rep. Gilbert Remulla, sinabi ng dalawa na malaking banta sa kalusugan ang sobrang paggamit ng hydroquinone na kalimitang inilalagay sa mga astringent na pampaputi. "Hydroquinone causes the development of carcinogenic and mutagenic properties in the human body," ani Marcos.
Nauna nang ipinagbawal sa European Union ang paggamit ng nasabing kemikal sa kanilang mga cosmetic products simula pa noong Setyembre 2004. Ban na rin sa Thailand ang nasabing kemikal.
Dahil sa nakasasama sa kalusugan, nais nina Marcos at Remulla na i-classsify bilang "pharmacy-only medicines" ang mga produktong hinahaluan ng 2 porsiyentong hydroquinone at "general sale medicine" naman ang mga nagtataglay lamang ng isang porsiyento o mas mababa pa.
Sumang-ayon sa panukala na i-regulate ang paggamit ng hydroquinone si Bureau of Food and Drugs (BFAD) Director Leticia Barbara Gutierrez.
Pinapayagan ng BFAD ang mga manufacturers na gumamit ng hydroquinone pero hindi ito dapat lumampas sa dalawang porsiyento.
Kabilang anya sa dapat ipatupad bilang precautionary measures ang paglimita sa paggamit ng mga produktong may hydroquinone ng hindi lalampas sa dalawang buwan.
Pero aminado ang BFAD na walang jurisdiction ang kanilang tanggapan sa mga beauty parlors na gumagamit ng hydroquinone sa kanilang produkto. (Ulat ni Malou Rongalerios)