Ang P25,000 ay ibabawas sa babayaran ng bawat pamilya para sa housing materials loan. Nangangahulugan ito na ang isang pamilya ay tatanggap pa rin ng P50,000 na pambili ng materyales sa pagpapatayo ng bahay, ngunit kalahati lamang nito ang kanilang huhulug-hulugan bilang bahagi ng kabuuang benepisyo.
Sa kabuuan ang bawat pamilya ay magkakaroon na lamang ng P125,000 na utang sa halip na P150,000 para sa lote at pagpapatayo ng bahay, at P40,000 na direktang grant.
Ang bagong pakete ng mga benepisyo ay ipapatupad para sa lahat ng apektadong pamilya sa Bulacan, Pampanga at Metro Manila. Ang panukala ay inilahad ni De Castro sa gabinete bilang compromise agreement sa mga Kongresista ng Bulakan na humihiling ng P50,000 na benepisyong walang kaukulang bayad para sa mga apektadong pamilya sa Bulacan, kagaya ng ipinagkaloob noon sa mga taga-Malabon.
Iginiit ni De Castro na hindi na dapat ipatupad ang ganitong benepisyo dahil "hindi ito financially viable, sinasalungat nito ang mga iba pang programa para sa impormal na sector, hindi nito ginagarantiyahan ang seguridad sa pamamahay, at pinapabagal pa nito ang relokasyon dahil ang mga tumatanggap nito ay nahuhuli sa paglipat dahil hindi sila handa."
Ayon kay De Castro, layunin ng HUDCC na tapusin sa buwan ng Setyembre ang relokasyon ng 12,878 pamilyang taga-North Rail sa Bulacan, sa kabila ng mga balakid dito gaya ng pag-ulan, mahirap na development sa resettlement sites, at mga isyu sa pondo.