Ayon kay Connie Bragas-Regalado, chairperson ng Migrante Sectoral Party, dapat agad na magsampa ang Department of Foreign Affairs ng protesta at rebisahin ang diplomatic relations nito sa UAE dahil sa mga ulat na pagmamalupit sa mga manggagawang Pinoy na nagtatrabaho sa nasabing bansa.
Base sa report, may 60 Pinay housemaids ang tumakas sa kani-kanilang among Arabo dahil sa pananakit, sexual harassment at hindi pagpapasuweldo.
Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga na ng Philippine Consulate sa UAE ang mga Pinay DH at ngayoy humihingi ng saklolo mula sa pamahalaang Arroyo para sa kanilang agarang pagbabalik sa bansa.
Nabatid na umaabot sa 36,000 Pinay ang nagtatrabaho bilang katulong sa UAE mula sa 200,000 kabuuang bilang ng mga OFWs sa nasabing bansa na sakop ng Middle East. (Ulat ni Ellen Fernando)