Sinabi ni Sen. Lacson, pinayuhan siya ng kanyang abogadong si Atty. Sigfried Fortun na pumayag na lamang na bayaran ang sinasabing damages na hinihingi ni Pelaez dahil mas malaki ang magagastos sa lawyers fee kung iaapela pa nila.
Itinanggi rin ni Lacson na mayroong inisyung arrest warrant sa kanya ang US court matapos siyang matalo sa civil suit na isinampa ni Pelaez kaugnay sa ibinasura ni Lacson na kontrata nito sa PNP para mag-deliver sana ng 41,000 na posas ng Smith and Wesson.
Iginiit pa ng senador na kung dapat bayaran ang hinihinging damages ni Pelaez ay hindi dapat ito magmula sa kanyang sariling bulsa kundi dapat ang PNP ang magbayad nito dahil ito ang kanyang pinoprotektahan sa kuwestiyonableng kontrata.
Wika pa ni Lacson, pag-aaralan niyang mabuti kung hindi na niya iaapela ang kaso matapos siyang talunin ni Pelaez sa Lower Court.
Aniya, kung hindi siya haharap sa US Court sa darating na Sept. 7 ay baka doon ay mag-isyu ng warrant of arrest laban sa kanya kaya kinakailangan niyang dumalo sa hearing na ito.
Iginiit nito na wala siyang $700 milyon account at wala siyang properties gaya ng gustong palabasin ng mga nag-aakusa sa kanya. Aniya, nagkaroon siya ng account sa US bank pero naisara na ito noong 2001. (Ulat ni Rudy Andal)