Sa kanyang pagdalo sa Philippine Exporters Confederation Inc. sa Makati City, inatasan din ng Pangulo ang lahat na ahensiya ng gobyerno, mga korporasyong pag-aari nito, mga unibersidad at kolehiyo ng pamahalaan na simulan na ang pagrarasyon ng gasolina sa lahat na ginagamit nilang sasakyan.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng ipinatutupad niyang pagbabawas ng 10 porsiyentong konsumo sa enerhiya ng pamahalaan.
Ipinahinto na rin ng Pangulo sa mga tanggapan ng gobyerno ang paggamit ng mga behikulong malakas kumonsumo ng gasolina. Bilang pagpapakita ng magandang ehemplo, inumpisahan niya ito sa kanyang mga back-up vehicles.
Sinabi pa ng Presidente na kailangan ding pabilisin na ang paggamit ng biodiesel, ethanol o compressed natural gas.
Nilinaw naman ng Pangulo na hindi na kailangan pang dagdagan ang oras ng trabaho ng mga empleyado sa planong 4-day work week.
Kabilang pa sa economic measures ang paghihigpit sa paggamit ng kuryente at koleksiyon ng tagas ng langis para sa proyektong recycling.
Nilinaw ng Palasyo na ang oil emergency measures ay hindi daan tungo sa posibleng pagkakaloob sa Presidente ng "emergency powers."