Sinabi ni Mr. Riva, sampung araw bago ilabas ni Press Sec. Ignacio Bunye ang nasabing tape ay mayroon ng kopya nito si Bishop Tobias na ibinigay ni Sen. Lacson at ipinarinig pa ito sa kanila.
Aniya, sila nina Wilfredo Mayor at Richard Garcia na nasa safehouse ni Bishop Tobias sa East Fairview, QC ang unang nakarinig nito.
Nagtaka si Riva pati si Garcia ng iparinig sa kanila ang kontrobersyal na tape at kung ano ang magiging kaugnayan nito sa gagawing pagharap nila sa senate investigation hinggil sa jueteng payola isyu.
Wika pa nito, nagtungo din sa kanilang safehouse si dating Sen. Kit Tatad kasama ang kapatid nito ilang araw bago sumabog ang "Hello Garci" controversy.
"Nagtataka ako kung bakit sunud-sunod ang ginawang pagpapasabog ng kontrobersya ni Sen. Lacson laban kay Pangulong Arroyo, kaya duon pa lamang ay nag-isip na ako na mayroong hidden agenda ito laban sa Pangulo," sabi pa ni Riva.
Magugunita na humarap sa media si Riva matapos siyang umalis sa kampo ng oposisyon kasunod ni Garcia dahil ayaw na raw nilang magpagamit sa kampo ni Lacson na ang interes ay patalsikin si Mrs. Arroyo sa puwesto.
Humingi din ng paumanhin sina Riva at Garcia sa Pangulo dahil sa pagsangkot sa pamilya nito sa jueteng isyu sa utos daw ng oposisyon. (Ulat ni Rudy Andal)