Sa isang press conference sa Sulu Hotel, Quezon City ay sinabi ni Defensor na ito ang dahilan kung bakit siya lumabas at nagsalita hinggil sa naturang usapin upang maituwid ang anumang kamalian at upang malinawan ang taumbayan hinggil sa katotohanan sa nabanggit na isyu.
Anya, gumastos siya ng halagang $3,500 mula sa sarili niyang bulsa upang patotohanan na hindi nandaya si Pangulong Arroyo sa nakaraang halalan.
Sinabi pa nito na boses nga ng Pangulo ang nasa tape subalit hindi malinaw kung totoong nakipag-usap ito kay Garcillano.
Ang US voice expert na si Barry Dickey ang sumuri sa Hello Garci" tape na siya ring nag-authenticate sa voice tape ni Osama bin Laden. Dalawang sound engineer din ang kasama ni Defensor sa press conference na sina Jim Sanchou at Arnold Vallones ng Audio Media Company na nakabase sa Makati na nagsagawa ng pag-aaral sa naturang tape.
Ani Defensor, tanging ang pag-aaral sa technical side lamang ang hiniling ng Pangulo sa kanya at wala ng iba pang anggulo.
"Wala kaming kinikilingan sa mga lumalabas na report tungkol dito pinakikita lamang natin dito kung paano may binago," dagdag pa ng kalihim.
Hinamon din ni Defensor ang mga kritiko na siya ay handang magbitiw sa kanyang tungkulin kung mali ang kanyang ipinaglalaban kaugnay ng Gloriagate scandal. (Ulat ni Angie Dela Cruz)