Ayon kay House Minority Leader Francis Escudero na bumalik na sa bansa kahapon mula sa Amerika, nangako si Dy na haharap ito sa impeachment trial bilang testigo pero hindi sa isasagawang imbestigasyon ng jueteng sa Senado.
Sinabi ni Rep. Escudero na nanatili ng isang linggo sa Amerika upang makipag-usap kay Dy, na sasabihin ng dating gobernador ang totoong nangyari sa La Vista meeting sa bahay ni Pangulong Arroyo kung saan napabalitang nagkaroon ng "abutan" sa mga opisyal ng Comelec.
Si Dy ay kinilala ng isa sa mga testigo sa jueteng na si Michaelangelo Zuce na isa sa mga bisita sa bahay ng Pangulo nang maganap ang bigayan ng payola sa jueteng.
"Ayokong pangunahan pero sinabi niya sa akin na may alam siya sa La Vista payoff. Kung hindi totoo matagal na sana siyang nag-deny," ani Escudero.
Samantala, sinabi ni Rep. Monico Puentevella na hindi na kailangang bumalik si Dy sa bansa para sa impeachment trial dahil hindi naman aniya makakarating sa Senado ang reklamo.
Sinabi naman ni House Majority Leader Prospero Nograles na hindi dapat magsalita si Escudero bilang spokesman ni Dy at dapat nitong pabayaan ang dating gobernador na magsalita ng kanya.(Ulat ni MALOU RONGALERIOS)