Sa ginanap na press conference kahapon sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Lt. Col. Buenaventura Pascual, chief ng AFP-Public Information Office na si Army Capt. Marlon Mendoza ay naitalaga sa ISAFP noong 1998 pero natanggal sa puwesto dahil nadawit sa isang anomalya.
Base sa mga dokumentong nakalap ng PSN, baon sa utang si Mendoza dahil sa bumagsak nitong negosyo. Kabilang pa sa problema nito ay ang kasalukuyang kalagayan ng ama na paralisado at ang suliraning pampamilya. Napag-alaman na hiwalay si Mendoza sa kanyang asawang si Hope at mga anak dahil sa kanyang umano'y pakikisama sa isang civilian employee sa Finance Service Center ng AFP.
Nabatid pa na si Mendoza ay nahirang na assistant group commander ng MIG 23, ang Headquarters Support Group ng ISAFP noong Enero 2003, subalit na-relieve makalipas lamang ang siyam na buwan dahil sa P8.7-M scam matapos illegal na magbenta ng Mission Order mula P2,000 hanggang P5,000. Kaya mula Enero hanggang Oktubre 2003 ay nakapagbulsa umano si Mendoza ng tinatayang P8.7-M.
Si Mendoza ay kasama rin umano sa grupong Kawal Pilipino kung saan nagpakalat ng mga propaganda materials na tumutuligsa sa gobyerno at nananawagan ng reporma.
Ipinagmamalaki rin ni Mendoza na siya ay naging intelligence officer sa Mindanao noong nakaraang eleksiyon gayong na-relieve na siya sa ISAFP noon pang 2003.
Napag-alaman sa imbestigasyon na si Mendoza at kanyang commander na si Lt. Col. Nestor Saludo ay nag-isyu ng mga ISAFP appointments, memorandum receipts, mission orders at maging ISAFP ID cards gayong wala silang awtoridad na gawin ito. Dahil peke ang mga na-isyu nilang mga papeles kaya nasa ilalim sila ngayon ng court martial trial for violations of Articles of War 95 (Fraud Against Government) at 96 (Conduct Unbecoming an Officer and a Gentleman).
Ayon naman sa kampo ni Pangulong Arroyo, desperado na ang oposisyon sa paghahanap ng mga testigo kaya mga kapwa desperado rin ang mga nakukuha nilang witness para maisalba ang gumuguhong kaso nito laban sa Pangulo. (Ulat ni Joy Cantos)