Batay sa 1-pahinang kautusan ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 26 Judge Silvino Pampilo, ibinasura nito ang motion na isinampa ni Garcia Caringal, deputy collector for assessment ng BoC, kung saan nais nito na pabayaan muna ang Ombudsman na iresolba ang kanyang apela na muling marebisa ang nasabing kasong graft.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamong inihain ng negosyanteng sina Cecil Quimpo at Henry Limon sa Ombudsman, kung saan hiningan umano sila ng lagay ni Caringal bilang facilitation fee para mabilis na ma-release ang mga tela na ginagamit ng dalawang nasabing negosyante sa kanilang buy and sell business.
Kasamang iprinisinta ng mga complainants ang ebidensiya hinggil sa mga ari-arian ni Caringal na aabot sa P105 milyon na umanoy imposible namang makuha nito mula sa P25,000 suweldo nito buwan-buwan.
Gayunman, ipinaliwanag ni Caringal sa kanyang counter-affidavit na ang mga inisyung tseke na nagkakahalaga ng mahigit P2 milyon ay hindi lagay kundi kabayaran sa mga telang binili ng dalawa.
Aniya, bagkus ay sinampahan pa niya ang mga ito ng paglabag sa Batas Pambansa Blg. 22 o mas kilala bilang bouncing checks at estafa.
Ikinatuwiran ni Caringal na napaka-imposibleng tumanggap ng lagay sa pamamagitan ng tseke dahil tiyak naman na mate-trace ito sa kanya.
Ngunit, ikinatuwiran pa rin ng Ombudsman ang pagsusulong ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa nasabing kolektor. (Ulat ni Grace dela Cruz)